Problemado ngayon ang isang college student sa Talisay city sa Cebu dahil ayaw daw ibigay ng pamantasan ang kaniyang mga grado dahil sa isang post niya sa Facebook patungkol sa sigalot sa pamunuan ng paaralan.
Sa ulat ni Mark Bautista ng GMA-Cebu sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing hindi inakala ng third year college student at dean's lister na si Fregie Ejercito na mapapahamak ang kanyang grades sa nagdaang semester dahil sa ipinost niya sa FB.
Sa post ni Ejercito sa official FB page ng pinapasukan niyang Talisay City College, pinuna niya ang isyu ng agawan sa posisyon ng presidente ng paaralan.
Naapektuhan na raw kasi ang pag-aaral ng mga estudyante dahil hindi nila malaman kung sino sa dalawang presidente ang kanilang kikilalanin.
Ayon kay Ejercito, bago niya ilagay ang post sa FB, pinag-aralan muna niya ang laman nito at sa tingin niya ay wala namang masama sa nakalagay dito dahil nakabase naman sa katotohanan.
Dahil dito, inireklamo ni Ejercito ang kanyang guro sa legal office ng kolehiyo.
Ayon naman sa pamunuan ng naturang state college, hindi muna ilalabas ang grades ng estudyante habang hindi pa tapos ang kanilang imbestigasyon.
Ngunit hindi lang si Ejercito ang problemado, maging ang mga graduating student ay nalilito umano kung kanino magpapapirma ng kanilang diploma.
Wala pang pahayag ang Commission on Higher Education at Talisay city government tungkol sa usapin.
Noong Pebrero pa problema ng mga mag-aaral ang pagkakaroon ng dalawang presidente ng Talisay City College na sina Ritchel Bacaltos at Paulus Caņete.
Si bacaltos ay itinalaga sa pwesto ng dating mayor ng Talisay, habang si Caņete naman ay ini-appoint ng kasalukuyang mayor na si Johnny delos Reyes at tumatayong chairman ng board ng paaralan.
Dinala na ni Bacaltos sa korte ang naturang usapin.
Grado ng isang college student, ibinitin dahil sa kaniyang post sa Facebook | Ulat Filipino | GMA News Online
Na-unsa naman ning Talisay City College oy, mura man ug wala'y klaru nga eskwelahan.
Usa sad dili na diay ta pwde maka hatag ug opinyon sa issue?..