Pari timbog sa tangkang pang-aabuso sa dalagita | ABS-CBN News
MANILA- Timbog ang isang pari matapos umano itong magtangkang mang-abuso ng isang menor de edad na babae sa Marikina City.
Arestado si Msgr. Arnel Fuentes Lagarejos, 55, sa isang entrapment operation ng pulisya at Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos itong mahuli na papasok sa isang motel.
Advertisement
Ayon sa ulat ng Eastern Police District, kinausap umano ng pari ang isang menor de edad rin na bugaw gamit ang social media upang makuha ang 13-anyos na dalagita.
Nakipagkasundo si Lagarejos na makipagkita sa bugaw at sa dalagita sa Blue Wave Mall sa Sumulong Highway, Barangay Sto. Nino sa Marikina City ngunit nagsumbong umano ang ina ng 13-anyos na dalagita kaya ikinasa ang entrapment operation.
Nakasakay sa isang berdeng Ford Explorer na may plakang TGO 350 ang pari at papasok sana sa isang motel nang mahuli ng mga awtoridad.
Nagtangka pa diumano ang pari na bumunot ng baril nang huhulihin na, ngunit nadikitan ito ng pulis kaya hindi na natuloy.
Paliwanag pa ng pulisya, ang grupo sana ng bugaw ang nais nilang mahuli ngunit nagulat na lamang sila nang malaman na sangkot dito ang pari.
Si Lagarejos ay nakadestino sa Marikina City at Rizal at naging dating presidente ng isang Katolikong paaralan. Kilala rin ang pari bilang isa sa mga lumalaban sa pagpapatupad ng Reproductive Health law.
Nahaharap si Lagarejos sa mga kasong kaugnay ng mga batas laban sa child abuse at trafficking in persons.
Nasa ilalim naman na ng kustodiya ng DSWD ang 13-anyos na dalagita at ang bugaw. Tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang ina ng dalagita.