Isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes upang bigyan ng pagkilala ang Hollywood actor na si Paul Walker na nasawi sa California, USA habang dumadalo sa isang fund raising event para sa mga biktima ng bagyong "Yolanda."
Ayon kina Reps. Ferdinand Martin Romualdez (Leyte), Albee Benitez (Negros Occidental) at Ben Evardone (Eastern Samar), kahanga-hanga ang ipinakitang pagmamalasakit sa mga Pilipino ni Paul, isa sa mga bida ng pelikulang "Fast and Furious."
“My constituents are very thankful to him, for having a special love to the Filipino people. We will cultivate his habit of doing good things to the needy. We are very grateful to him for leaving a mark of heroism and who is always there to help until the last moment of his life,” pahayag ni Romualdez, lider ng independent block sa Kamara.
Pinsan ni Romualdez ang alkalde ng Tacloban City na si Mayor Alfred Romualdez, isa sa mga lugar sa Visayas region na matinding napinsala ng bagyo.
Dagdag naman ni Benitez, isa sa mga lider ng Visayan bloc, at pangunahing may-akda ng House Resolution (HR) No. 577, isa lamang si Paul sa maraming pribadong tao sa buong mundo na dumamay at gumagawa ng paraan para makatulong sa mga biktima ng bagyo.
“Paul Walker, a famous Hollywood actor, was one of those individuals who went out of his way to organize a charity event to specifically gather toys and collect cash donations for the children affected by typhoon Yolanda. Paul Walker had also quickly organized and dispatched, through his foundation, Reach Out Worldwide (ROWW), a group of 12 disaster responders to the areas hit by typhoon Yolanda,” saad nito sa resolusyon.
Dagdag naman ni Evardone, kabilang ang lalawigan sa mga sinalanta ng bagyo, nakakalungkot ang biglang pagpanaw ng 40-anyos na Paul, isang tao na may pagmamahal sa kapwa na nahaharap sa mga trahediya.
'Star' sa Walk Of Fame
Kasabay nito, inihayag din ni German "Kuya Germs" Moreno na idadagdag niya ngayong taon ang pangalan ni Paul sa mga celebrity na binigyan ng star sa Walk Of Fame Philippines sa Eastwood, Quezon City.
Sa kaniyang programang "Walang Siyesta" sa dzBB radio nitong Miyerkules, nagbigay ng papuri at pasasalamat si Kuya Germs sa ipinakitang pagmamalasakit ni Paul sa mga Pilipinong biktima ng bagyo.
Basahin: Anderson Cooper, Rob Schnieder, bibigyan ng 'star' sa Walk Of Fame Philippines
Sinabi nito na katulad ng CNN broadcast journalist na si Anderson Cooper, nararapat lang bigyan din ng pagkilala si Paul kahit sa maliit na paraan na alam niya.
Binigyan ni Kuya Germs ng star si Anderson dahil sa malaki ang naitulong nito upang mapansin ng mundo ang sinapit ng mga lugar na sinalanta ng bagyong 'Yolanda" nang magtungo ito at mag-cover sa Tacloban.
Dahil naisagawa na nitong nakaraang Linggo ang seremonya sa pagkakaloob ng parangal sa 25 pangalan na binigyan ng star sa Walk Of Fame, sinabi ni Kuya Germs na ihahabol na lamang niya ang star para kay Paul sa mga susunod na araw.
Kasama ni Copper sa nabigyan ng star ngayong taon ang Hollywood actor na may dugong Pinoy na si Rob Schneider, na pumatok sa comedy film na "Deuce Bigalow."
Binigyan din ng star sina Manding Claro (matinee idol noong 1950's), Wing Duo na sina Angie Yoingco at Nikki Ross, Jamie Rivera, Alice Eduardo, Joel Torre, TJ Trinidad, Edgar Mortiz, Bembol Roco, Direk Laurice Guillen, Vicky Morales, Gladys Reyes, at Toni Gonzaga.
Kasama rin sina Dr Manny at Pie Calayan, Joel Cruz, mga beauty queen na sina Miss World Megan Young, first Miss Universe Armi Kuusela, 1973 Miss Universe Margie Moran, at mga naging Miss International na sina Stella Marquez-Araneta, Melanie Marquez, Gemma Cruz, Precious Lara Quigaman at Aurora Pijuan. -- FRJimenez, GMA News
Paul Walker, nais bigyan ng pagkilala sa Kongreso; ilalagay din sa Walk Of Fame Philippines | Showbiz | GMA News Online
- - - Updated - - -
Mao ra ni nahibaw.an na trabaho sa atu mga Congressman.