Hindi lamang sa Pilipinas napansin ang tinaguriang "safety dance" ng mga flight attendants ng isang airline company sa bansa, ngunit maging sa mga international news organization at mga celebrities ay usap-usapan ang naturang video.
Sa ngayon umano ay libu-libong hits na ang inani ng video ng dancing flight attendants matapos na ini-upload ito sa YouTube.
Umani ng iba't ibang reaksyon ang sumasayaw na mga flight attendants habang nagde-demonstrate sa mga pasahero ng safety instructions sa mga eroplano.
Na-feature ito sa 360 Degrees program ng news anchor na si Anderson Cooper ng Cable News Network (CNN).
Subalit tinutulan ito ni Cooper at maging ng CNN senior correspondent na si Joe Johns na nagsuhestyong kasuhan ang mga sumasayaw na flight attendants.
"I've got to say this is the point where I would have demanded to get off the airplane," ani Cooper. Ayon naman kay Johns: "They're having too much fun. Somebody's got to file a complaint."
Ngunit karamihan ay natuwa sa video. Ang entertainment blogger na si Perez Hilton ay gustong-gusto umano ang video habang ayon sa Fox News, isa umano itong bago at nakaka-entertain na paraan para mag-demonstrate ng mga safety tips sa mga pasahero.
"We love it! But are electronics supposed to be on that point in the flight?!" ani Hilton.
Inihayag naman ng Yahoo Music na cute at nakakatuwa ang ganitong style habang ayon sa interview ng Telegraph UK sa United Kingdom Civil Aviation Authority, wala umanong masama rito hangga't ang mga mahalagang impormasyon ay nakapaloob at naiintindihan ng mga pasahero.
"Our general approach to safety announcements is that so long as the relevant information is imparted to passengers in an audible, understandable fashion, anything that gets more people to pay attention to this safety critical information is a positive thing as it could save their lives," ayon sa Civil Aviation Authority.
Pinuri naman ito ng Huffington Post dahil sa pamamagitan umano nito, makukuha ang atensyon ng airline passengers.
Ang American Idol host na si Ryan Seacrest ay ibinalita sa kaniyang Twitter account na habang pinapanood ang video, hindi umano niya mapigilang ma-inlove sa mga sumasayaw na flight attendants.
"You can't help but love (the flight attendants') enthusiasm and choreographed dance moves!" ani Seacrest.
Tinawag pa ni Seacrest sina Lady Gaga at Katy Perry upang ipakita ang video. Napag-alaman na ang saliw sa sayaw ng mga flight attendants ay himig ng awitin ni Lady Gaga na "Just Dance" at "California Gurls" ni Katy Perry.
Nagpaliwanag naman si Cebu Pacific Vice President for Marketing Candice Iyog kasunod ng ilang kritisismo.
Aniya, bukod sa pagsasayaw, may seryosong demonstration ng mga safety tips at ginagawa ang pagsayaw ng mga flight attendants habang nasa cruising altitude na ang eroplano.
Tiniyak pa ni Iyog, hindi nila kinokompromiso ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
source >>>>
Dancing flight attendants, umani ng iba't ibang reaksyon sa int'l comm.