Magbabalik si Hatfield!
FREE THROWS Ni AC Zaldivar
Ang Pilipino STAR Ngayon 07/31/2006
Kahit paano’y mangangapa pa rin si Rudy Hatfield sa kanyang pagbabalik sa Philippine Basketball Association kung saan maglalaro siya sa ikatlong team - ang Barangay Ginebra Gin Kings.
Nakamit ng Gin Kings ang rights kay Hatfield matapos makipagpalitan ng mga manlalaro at draft picks sa Coca-Cola Tigers kamakailan. Bukod kay Hatfield ay nakuha din ng Gin Kings sina Raffi Reavis at Billy Mamaril buhat sa kampo ngTigers.
Ang lakas naman ng Gin Kings at masuwerte si Hatfield dahil hindi naman niya kailangang makaarangkada kaagad. Marami siyang makakatuwang sa Barangay Ginebra kung saan nandoon pa ang mga frontliners na sina Eric Menk, Rommel Adducul at Andy Seigle.
Aba’y nagmistulang national team ang tropa ni coach Bethune "Siot" Tanquingcen ah! Sino pa ang puwedeng bumangga sa matindi nilang frontline. Walang koponang may ganoong katinding frontline.
So habang si Hatfield ay nagpapakundisyon o naghahanap ng "basketball shape," marami namang puwedeng puntahan ang Gin Kings. Hindi siya mamadaliin ni Tanquingcen.
Ito ay kung tutoong magbabalik na nga sa Pilipinas si Hatfield matapos ang halos dalawang taong pagkawala magbuhat nang masuspinde siya bunga ng Fil-sham controversy.
Nadismaya kasi si Hatfield nang mapasama siya sa kontrobersya. Kaya nga kahit na pumayag ang PBA Board of Governors na pabalikin ang mga Fil-foreigners na nakapaglaro sa Philippine Team noong 2002 Busan Asian Games ay nanatili si Hatfield sa Estados Unidos.
Ang unang balita’y itutuon na lang daw ni Hatfield ang kanyang pansin sa pagiging isang wrestler. Pero ayon sa mga kakilala niya, si Hatfield ay nagsanay para maging isang "firefighter." Kung tutoo ito, aba’y in-shape pa rin si Hatfield. Hindi naman puwedeng maging bombero sa Estados Unidos nang lalampa-lampa, e!
Ang 6-4 power forward na si Hatfield ay nakatulong sa Tigers na magwagi ng dalawang kampeonato. Tinalo nila ang Alaksa Milk, 3-1 sa Finals ng 2002 All-Filipino Cup at ang San Miguel Beer, 4-3 sa Finals ng 2003 Reinforced Conference.
Noong 2003 ay naging contender din siya para sa Most Valuable Player subalit natalo kay Paul Asi Taulava ng Talk N Text. Sa taong iyon ay napabilang si Hatfield sa Mythical Five at PBA All-Defensive team matapos na mag-average ng 13.7 puntos, 10.7 rebounds at 4.3 assists.
Ayon sa isang official ng San Miguel Corporation, si Hatfield ay tumawag sa kanila at sinabing nais niyang bumalik sa paglalaro ng basketball at payag siyang tumanggap ng mas mababang sahod. Bago nasuspinde, si Hatfield ay tumatanggap ng maximum salary.
Si Hatfield, na unang naglaro sa Laguna Lakers sa defunct Metropolitan Basketball Association, ay pumanhik sa PBA noong 2000 nang kunin siya ng Tanduay Rhum. Nang mag-disband ang Rhummasters ay lumipat siya sa Pop Cola na nabili naman ng Coca-Cola.
Nabigo ang Gin Kings na mapanatili ang kampeonato ng Philippine Cup kung saan hindi man lang sila nakarating sa semifinal round matapos na talunin sila ng Red Bull sa quarterfinals.
Pero ang lahat ng iyon ay nakatakdang magbago dahil tiyak na sila ang magiging "team to beat’ sa susunod na season!