Si Hero Angeles sana ang Captain Barbell ng GMA-7
Ang Pilipino STAR Ngayon 01/28/2006
Marahil kung hindi siguro nagkaroon ng problema between GMA 7 executives at ang manager ni Hero Angeles na si Henry Angeles ay nakatanggap siguro sila ng tv project na Captain Barbell.
Nabanggit kasi sa amin ng taga-Siete na kunektado sa nabanggit na project na supposedly ang Enteng na role ay para kay Hero, at dahil nga hindi naging maganda ang mga experience ng ilang executives at talent coordinators sa manager cum kuya ng prodigal son ng ABS-CBN ay hindi na siya kinonsider sa project.
Ang kapatid daw ni Richard Gutierrez na si Ritchie Paul ang gaganap na Enteng bilang first tv exposure niya sa kuya niya na siyang gaganap namang Captain Barbell.
Dagdag pa na hindi pa lang daw ito pinapalabas ng Siete dahil nga hindi pa naman nagti-taping ang bida ng Sugo dahil nga paalis ito next week patungong Brazil kasama ang kakambal na si Raymond Gutierrez.
* * *
Halos lahat ng kilalang writer/nobelista sa Komiks ay nakausap ni Deo Endrinal para ipagpaalam na muli nilang bubuhayin ang mga sumikat na istorya noon sa telebisyon.
At hindi naman daw nagdalawang salita ang nabanggit na Executive na siyang in-charge sa production ng ABS-CBN dahil halos 10 istorya ang mga nakuha niya sa bawa’t manunulat tulad nina Elena Patron, Pablo S. Gomez, Joe Lad Santos, Rod Santiago, Hal Santiago, Vic Poblete at Nerissa Cabral.
Hindi na niya nakausap ang pamilya ni Mars Ravelo, kilalang manunulat ng mga super heroes at ang paliwanag ni Deo, "We purposely did not approach his family because all his works are with GMA 7.
At kampante na raw ang Dos sa mga istoryang nakuha nila dahil ito raw ‘yung mga inabangan ng tao thru the years at ang maganda, yung sinubaybayan ng lima hanggang walong taon sa komiks ay mapapanood lang sa isa o dalawang episode, sa madaling salita telesine ang dating.
"Wakasan siya para hindi mainip ang viewers, para every week, may bagong istoryang napapanood," paliwanag pa.
At as early as June 2005 ay nabuo na ng creative team ni Deo ang concept ng Komiks.
Nabanggit din kasi ng taga-GMA 7 na naisip na nila ito, hindi nga lang na-aprub dahil mas inuna ang mga telefantasyang tulad ng Encantadia, Darna, Sugo, at Etheria. Sayang at hindi namin naitanong sa taga-Siete kung kailan naman nila naisip ang nabanggit na concept ng Komiks, di kaya earlier that June 2005? — REGGEE BONOAN