Paghirang kay Singson sa security council kinontra
09/06/2008 | 10:03 PM
MANILA – Binatikos ng tagapagsalita ng United Opposition (UNO) nitong Sabado ang paghirang ng Malacanang kay dating Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson bilang deputy national security adviser.
Sa ulat ng QTV's Live on Q, sinabi ni UNO spokesman Adel Tamano na marami pang ibang opisyal na mas kwalipikado kay Singson na pwedeng italaga sa nasabing posisyon.
Nagpahayag ng pangamba si Tamano dahil lubha umanong sensitibo ang ahensya na nangangasiwa sa pambansang seguridad ng bansa.
Sa kabilang nito, sinabi ng tagapagsalita ng oposisyon na hindi na dapat ipagtaka ang pagkakatalaga kay Singson, na kabilang sa mga kandidatong senador ng administrasyon na natalo noong 2007 elections.
Sinabi ni Tamano na inalok din siya noon ng administrasyon na tumakbong senador at pinangakuan na ilalagay sa pwesto kapag natalo. Kailangan ng isang natalong kandidato na matapos ang one-year-ban bago mabigyan ng posisyon.
Bukod kay Singson, ang mga natalong kandidatong senador ng administrasyon na nabigyan ng pwesto sa gobyerno ay sina Vicente Sotto III (Dangerous Drugs Board), Prospero Pichay Jr. (Local Water Utilities Administration), Michael Defensor (presidential adviser), at Ralph Recto (National Economic and Development Authority).- GMANews.TV