7-anyos na babae, pinatay at hinihinalang ginahasa; suspek, naka-droga umano
Published October 22, 2016 5:10pm
Bangkay na nang matagpuan sa sementeryo sa Malabon ang isang babae na pitong-taong-gulang nitong Biyernes ng gabi. Ang biktima, hinihinalang ginahasa rin ng suspek na lango umano sa droga.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing may busal sa bibig, walang saplot pang-ibaba, may mga sugat sa ulo at may dugo sa maselang bahagi ng katawan nang makita sa sementeryo ng Tugatog, Malabon ang biktimang itinago sa pangalang "Anna."
Sa tulong ng saksi at mga residente, nadakip ng mga pulis sa follow-up operation ang suspek na si Jay-R Payawal alyas AiAi, na kapitbahay at kumpare ng mga magulang ng batang biktima.
Labis ang sama ng loob ng mga magulang ng bata dahil naging maganda umano ang pakikitungo nila sa suspek.
Ayon sa isang testigo, si Payawan ang huling kasama ng bata bago natagpuang patay, at inamin din daw nito ang ginawang krimen.
Sinabi ng pulisya, na noong una ay inamin umano ng suspek na naka-droga siya kaya nagawa ang krimen. Pero kinalaunan ay itinatanggi na nito ang mga paratang.
Gayunman, may nakita umano ng bahid ng dugo sa suspek at may mga kalmot din na hinihinalang dahil sa ginawang panlalaban ng bata.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay para makumpirma kung ginahasa ang biktima.
Napag-alaman na dati nang sumuko sa Oplan-Tokhang ang suspek, na nakadetine niya sa himpilan ng pulisya. -- FRJ, GMA News