Patay ang isang madre at isang guro ng Siena College of Hermosa sa Bataan matapos silang pagtatagain ng janitor ng eskwelahan na umamin umano sa ginawang ang krimen.

Kinilala ni Chief Insp. Palileo Addag, hepe ng Hermosa police, ang nadakip na suspek na si Michelle Dabu, 39-anyos. Inamin umano nito na siya ang pumatay kina Sister Ceferina Alvarez at sa Kinder A teacher na si Ana Marie Ocampo.

Ayon sa pulisya, natagpuan dakong 11:00 a.m. nitong Biyernes ang duguang mga labi ni Alvarez sa bahagi ng labahan ng pamantasan, habang sa school ground naman na malapit sa main entrance nakita ang bangkay ni Ocampo.

Nang tanungin si Dabu kung bakit nito pinaslang ang dalawang biktima, umiling lang ito at sinabing "hindi ko alam."

Humingi siya ng patawad sa mga naulila ng kaniyang mga biktima.

Pero hinala ng pulisya, posibleng binalak ni Dabu na pagsamantalahan si Ocampo, humingi ng tulong sa madre na unang pinatay ng suspek.

Napag-alaman na walang kasama ang dalawa sa eskwelahan dahil walang pasok at nasa seminar ang iba nilang mga kasama.



source: Madre, guro ng Siena College sa Bataan, pinaslang; janitor, umamin umano sa krimen | Ulat Filipino | GMA News Online