Ito ang MCS-3008, isang barkong pag-aari ng BFAR lulan ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.
Isa lamang ito sa limang sasakyang pandagat ng Pilipinas na nagrerelyebo para bantayan ang Panatag o Scarborough Shoal.
Noong May 26, nakalasap ito ng mistulang pambu-bully mula sa puwersa ng China sa lugar ng pinag-aagawang teritoryo.
Sa 25-minutong video na ipinadala ng isang source sa ABS-CBN, makikita kung paano hinarass ang MCS-3008.
Ipinapalagay na lulan nito ang may hawak ng camera na kumuha ng video.
Nasa labas pa lamang ito ng shoal, tinangka na itong harangin ng barkong ito ng China.
Maya-maya pa, tinugis na ito ng nasabing Chinese vessel na may pangalang China Marine Surveillance o CMS-71.
Sumunod ay isa pang barko ang tumugis sa mga Coast Guard.
At nang makadikit ang 3008 sa BRP Corregidor, inikutan naman ito ng isa pang Chinese vessel.
Nang kumilos ito papasok sa mismong Scarborough Shoal, nadagdagan pa ang mga Chinese ships na tumutugis at humarang dito.
Pero nakapagmaniobra at nakatalilis ang mga Pinoy.
Sumenyas pa sila sa mga mandaragat na Tsino.
At hanggang sa mismong entrada ng shoal, may nakabantay na apat na barko.
Sa kabuuan, walong Chinese vessels ang dinaanan ng Philippine ship bago matagumpay na nakapasok sa shoal.
Hindi naitago ng crew ang kanilang kaba at kaligayahan.
Hindi pa rito natapos ang "harassment" dahil kinabukasan, ayon sa source, dalawang beses namang lumipad sa ibabaw ng Philippine vessel ang isang Chinese helicopter.
Ngunit wala namang hostilities na nangyari.
Kinumpirma ng Coast Guard ang pag-harass sa dalawang sasakyang pandagat ng gobyerno sa Scarborough Shoal.
Ngunit mahigpit ang bilin ni PCG chief Edmun Tan sa kanyang mga tauhan, maging mahinahon at palakaibigan upang huwag lumala ang hidwaan.
Tumanggi ang Coast Guard na idetalye ang report ukol dito ngunit tiniyak na ang dalawang binabanggit na barko ay nandoon pa rin sa Scarborough Shoal.
Nakita na rin ng DFA ang video ngunit hindi ito nagkomento.